Posts Tagged ‘Eros S. Atalia’

Wag Lang ‘Di Makaraos

Hunyo 16, 2012
Mas nagustuhan ko ang atake ni Eros sa mga dagling napabilang sa librong ito. Muli, napatunayan ang personal kong hinala na mas magiging nakaka-aliw ang porma ng kanyang panitikan kung hindi ito magiging napakahaba (na tulad ng Ligo na U, Lapit na Me). Sa anyong ito, mas nadama ko ang kanyang indibidwalidad bilang manunulat, kung anong klaseng pag-iisip ang taglay ni G. Eros Atalia.Pinatunayan rin ng akdang ito kung gaano kalaki ang kaibahan ng paraan ng pagpapatawa ni Eros kay Bob (sorry na, nabanggit ko na naman si Bob). May sarili siyang istilo, na kung ipapapatuloy nya, sa palagay ko ay isang potensyal na maaring magluklok sa kanya sa parehong liga ng tagumpay na nakamit ni Ong.Marami akong naibigan. Maituturing kong personal na umangat para sa akin ang kanyang “Si Maam Kasi” na tumalakay kung paanong madalas ay pinaniniwalaan natin kung ano lang ang mga nais nating paniwalaan at ang “Birthday Wish” na sa aking palagay ay papasang bagong commercial ng McDo sa taglay na kadramahan.

Dahil dyan, napabili tuloy ako ng bago nyang libro sa NBS kanina, ang IT’S NOT THAT COMPLICATED.

Sana magustuhan ko rin ‘to. (kasi so far, sa 3 Eros Atalia books na pag-aari ko at nabasa ko, nakaka-one point pa lang sya.)Irerekomenda ko ang librong ito sa aking mga kaibigan. hihihihi
P.S.
Salamat kay DwightD ng Ang Nasasakdal dahil na-engganyo akong bilhin ang librong ito ng mabasa ko ang review nya. Special mention sa’yo!

Ligo na U, Lapit na Me

Mayo 3, 2012

RATING: 2 out of 5

Okay.

Bakit dos lang ang rating ko sa Ligo na U, Lapit na Me?

Kung ilalarawan ko ang akdang ito ni Prof. Eros S. Atalia, siguro ang gagamitin kong salita ay ALANGANIN.

Alanganin akong natawa sa mga tangka nya sa pagpapakwela.

Alanganin akong nadala sa mga dapat sanang umaatikabong eksena nina Jen at Intoy.

Alanganin akong nakumbinse sa mga ideolohiyang tinangkang ipasok ni Atalia sa bawat pahina.

Alanganin akong nakidalamhati kay Intoy sa ginawa nyang paglimot kay Jen.

Alanganin akong naniwala na si Eros Atalia ay kaliga ni Bob Ong pagdating sa paglikha ng mga kontemporaryong panitikan na ganito ang genre.

Nabasa ko na rin ang Peksman. Four out of five ang rating ko dito. Pero hindi nagkakalayo ang naramdaman ko nang basahin ko ang librong ito (Ligo na U) ni Eros. Ang katwiran ko noon, ibase natin sa susunod na gawa. Baka mas magustuhan ko yung sunod.Kaso wala naman akong nakitang kaibahan. At ang totoo, mas na-enjoy ko ang mga dagling idinagdag ni Eros dun sa una nyang libro. Iyon ang maituturing na hindi alanganin. Hindi bitin ang pakwela. Hindi bitin ang lalim. Hindi pilit. Natural.

Maikli lang naman ang librong ito kung tutuusin. Pero ang totoo, nahirapan akong tapusin. Hindi ko mapalampas na hindi mapansin ang ilang mga typo errors, grammar slips, at misspelling. Hindi naman ako grammar nazi o kung ano man. Naghahanap lang ako ng tama lalo’t nababasa ito ng madla. Seryosong tanong, anong ginawa ng editor? (o meron nga ba itong editor? Hindi ko rin alam.)

Maging ang intensyon ni Atalia na ipasok ang paniniwala nya at mga ideolohiya pagdating sa mga usaping pambansa, hindi ako masyadong nakumbinse. Hindi kagaya ni Ong (pasensya na sa pagkukumpara)na “seamless” ang pagkonekta sa istorya (kunsabagay, ito mismo kasi ang paksa ng istorya), hindi naging natural sa akin ang naging atake ni Atalia. Walang kaisahan sa eksena, tipong ninais lang lamnan ng ganitong ideya ang bawat pahina.

Biased naman talaga ang review kong ito dahil nga Bobongpinoyism ang relihiyon ko. Umaasa lang akong makakatagpo pa ako ng ibang mga kontemporaryong manunulat na hindi naman nasa kalibre ni Ong ay hindi naman nalalayo.