Posts Tagged ‘Bob Ong’

Macarthur

Mayo 3, 2012

RATING: 3 out of 5

Sorry Bob.

Di ko masyadong natripan to.

Magaling pa rin as usual.

Mahusay ang pagkakasulat.
Mahusay ang paglalahad ng kwento.
Mahusay ang paglalarawan sa mga karakter.
Mahusay ang paglalagay ng puso sa mga katoto nating adik.

Mahusay naman.

Hindi ko lang nakita ang totoong pinupunto ng kwento.
Para saan ba talaga ito?

Hinanapan ko lang ng signature mong pangungunsensya-slash-sarcasm.

Hindi ko lang siguro masyadong nagustuhan dahil hindi na bago sa akin ang lahat ng ito.

Ganito ang set up sa mundong tinitirahan ko.
Hindi ako adik ah.
Pero araw-araw ko na silang nakikita.

Yun lang.

Alamat ng Gubat

Mayo 3, 2012

RATING: 4 out of 5

Sabi sa kin ng mga kaibigan ko noon na nakabasa na nito pangit raw ito.

Di man lang sinabing “hindi maganda”. Pangit talaga ang ginamit. Madali lang naman kaya mag-euphemize.

Abnoy pala sila eh. Sila ang pangit! Ganda kaya nito!

Hindi ko maalala kung saan ko napulot, pero narinig ko dating tinawag na jungle ang Pilipinas. Ewan ko kung literal o figurative. Pero pwede naman pareho.

Gubat ang setting kaya syempre, hayop ang mga tauhan.

Sa gubat na ito, marami ang umaastang hari. At maraming naghahangad na maging pinakamakapangyarihan.

Marami sa atin ang kagaya ng mga karakter. Kilala natin ang mga katulad nina Leon, Aso, Langgam, Tipaklong, Kuneho, Tong, at pati yung badtrip na langaw.

Sinasalamin ng gubat ang bayan, at ng mga karakter ang bawat isa sa atin depende kung ano ang mga paniniwalang pinanghahawakan natin.

Masasabi kong isa ang Alamat ng Gubat sa mga paborito kong likha ni master Bob Ong.

Kapitan Sino

Mayo 3, 2012

RATING: 5 out of 5

Ang tagal kong tinangkang basahin ang librong ito. Siguro mga nakakalimang buwan na mula nang ninenok hiniram ko at iniuwi ang librong ito mula sa kasamahan ko sa trabaho. Ilang beses kong sinimulan. Ilang beses kong sinubukan Ate Charo. Pero hindi umubra. Parang may pumipigil sa aking basahin ito.
Hanggang sa maisipan kong mag-marathon ng mga Filipino authors kahapon. Nagbasa ako ng Tatlong Bob Ong at isang Eros S. Atalia. Pangatlo ito sa mga nabasa ko, huling akda ni Bob Ong sa araw na iyon.

Anong naging reaksyon ko?

Pagkababa ko ng libro ay napahiga ako sa kama. May kung anong gustong kumawala sa akin. Gusto kong magtatalon. Gusto kong sumigaw sa bintana. Gusto kong manigaw ng kapitbahay. Gusto kong magkulong sa kwarto at umupo lang sa isang gilid habang yapus-yapos ang dalawang binti. Gusto kong manulak ng bata sa tulay. Gusto kong magmura. Gusto kong awayin lahat ng tao sa bahay. Gusto kong kumanta. Gusto kong magsulat. Gusto kong bumalik sa nakaraan. Gusto kong mag-aral ulet. Gusto kong mapirmi sa isang tabi pero di ko magawa. Gusto kong itigil ang mundo ng mga oras na iyon.

Oo, ang OA nito. Pero ganyan talaga ang naramdaman ko.

Gusto kong buhusan ng tubig ang kung ano mang apoy na meron sa loob ko.

Gusto kong mag-rebolusyon.

Gusto kong magsimula ng pagbabago.

Ito ang unang beses na sobra akong naapektuhan ni Bob Ong. O baka nga ng kahit sino pang manunulat.Pasensya na kay Rizal pero hindi ganito katindi ang “intensity” ng naramdaman ko nang matapos ko ang Noli at Fili.

May nagising saking pagkamuhi, sa mga Pilipino at sa mga tao.

Bakit tayo oportunista?
Bakit tayo manggagamit?
Bakit tayo mayabang?
Bakit tayo makitid?
Bakit tayo walang utang na loob?
Bakit natin isinisisi ang lahat ng paghihirap sa iba?
Bakit tayo walang pakisama?
Bakit tayo nabubulagbulagan?
Bakit andali nating mauto ng pera?
Bakit masyado tayong makasarili?
Bakit hindi tayo tapat sa sarili at kapwa?
Bakit iniaasa natin sa kung sinong bathala o bayani ang kaginhawaan?
Bakit wala tayong pakialam sa iba?
Bakit wala tayong pakialam sa nakararami?
Bakit wala tayong pagpapahalaga sa dignidad natin bilang tao?
Bakit hindi tayo kumikilos?
Bakit hindi natin sinisimulang magbago?

Apektado talaga ako. Sobrang apektado.

Nakakabwisit na nakakaiyak na nakakasakit.

Kasi suspek rin ako. Aminado akong suspek din ako.

Pero ngayon,napagdesisyunan kong tatawid na ko sa kabilang kampo.
Gagawin ko ang lahat para mapatunayan ko sa sarili kong mabuti akong tao. Na kaya kong magpakatao.

Ligo na U, Lapit na Me

Mayo 3, 2012

RATING: 2 out of 5

Okay.

Bakit dos lang ang rating ko sa Ligo na U, Lapit na Me?

Kung ilalarawan ko ang akdang ito ni Prof. Eros S. Atalia, siguro ang gagamitin kong salita ay ALANGANIN.

Alanganin akong natawa sa mga tangka nya sa pagpapakwela.

Alanganin akong nadala sa mga dapat sanang umaatikabong eksena nina Jen at Intoy.

Alanganin akong nakumbinse sa mga ideolohiyang tinangkang ipasok ni Atalia sa bawat pahina.

Alanganin akong nakidalamhati kay Intoy sa ginawa nyang paglimot kay Jen.

Alanganin akong naniwala na si Eros Atalia ay kaliga ni Bob Ong pagdating sa paglikha ng mga kontemporaryong panitikan na ganito ang genre.

Nabasa ko na rin ang Peksman. Four out of five ang rating ko dito. Pero hindi nagkakalayo ang naramdaman ko nang basahin ko ang librong ito (Ligo na U) ni Eros. Ang katwiran ko noon, ibase natin sa susunod na gawa. Baka mas magustuhan ko yung sunod.Kaso wala naman akong nakitang kaibahan. At ang totoo, mas na-enjoy ko ang mga dagling idinagdag ni Eros dun sa una nyang libro. Iyon ang maituturing na hindi alanganin. Hindi bitin ang pakwela. Hindi bitin ang lalim. Hindi pilit. Natural.

Maikli lang naman ang librong ito kung tutuusin. Pero ang totoo, nahirapan akong tapusin. Hindi ko mapalampas na hindi mapansin ang ilang mga typo errors, grammar slips, at misspelling. Hindi naman ako grammar nazi o kung ano man. Naghahanap lang ako ng tama lalo’t nababasa ito ng madla. Seryosong tanong, anong ginawa ng editor? (o meron nga ba itong editor? Hindi ko rin alam.)

Maging ang intensyon ni Atalia na ipasok ang paniniwala nya at mga ideolohiya pagdating sa mga usaping pambansa, hindi ako masyadong nakumbinse. Hindi kagaya ni Ong (pasensya na sa pagkukumpara)na “seamless” ang pagkonekta sa istorya (kunsabagay, ito mismo kasi ang paksa ng istorya), hindi naging natural sa akin ang naging atake ni Atalia. Walang kaisahan sa eksena, tipong ninais lang lamnan ng ganitong ideya ang bawat pahina.

Biased naman talaga ang review kong ito dahil nga Bobongpinoyism ang relihiyon ko. Umaasa lang akong makakatagpo pa ako ng ibang mga kontemporaryong manunulat na hindi naman nasa kalibre ni Ong ay hindi naman nalalayo.

Wangak #1: Wanhandred

Abril 18, 2012

Hi peeps! Long taym no see! (Shepaks, lakas ng loob kala mo may avid readers!)

Sa kakulangan ng matinong materyal na isusulat, at dahil na rin sa hirap akong mag-Ingles nitong mga nakaraang araw (hehehe) eh magsusulat muna ko gamit ang aking nateev naytive  neytib dila. At kagaya ng nakagawian, dahil bunga ito ng boredom (nakana alam ang boredom) at isipang puno ng  kalokohan, tiyak na namang walang sustansya ito at walang kapararakan. (Rhyming yon, bow!) Naiinggit kasi ako dun sa nabasa ko minsan sa Facebook, yung may listahan ng mga “random facts” tungkol sa sarili. Wala lang. Inggitero lang talaga ko. Dahil bakasyon na naman at wala rin naman tong patutunguhan eh eto: Dyaran! Leydis en gentelmen, let mi prisent to yu may beri own Wanhandred: Listahan ng Mga Random Facts Ni Math Teacher!

Sabi nga ni idol April Boy  Regino: “Aryu redi pipol?” 

  1. Isa akong guro. Obvious. 2 Years na.
  2. Math ang itinuturo ko pero sabi nila mukha raw akong Filipino teacher.
  3. Ako ay tweynti tu yirs old na. Kakabertdey ko lang.
  4. Munggo is my favorite. Kahit di ko pa rin sigurado hanggang ngayon kung anong tamang spelling nya (mongo, munggo, monggo, green na beans)
  5. Hindi ako kumakain ng ketchup (isa pa tong magulo ang spelling. pasok: catsup).
  6. Hindi ako kumakain ng meyoneys(hihihi… ang safe ng spelling).
  7. Mali pala yung 5 at 6. Kumakain pala ko non pag nakahalo na sa pagkain. Kung may choice akong hindi isama (tulad ng hamburger o sandwich), hindi ko lalagyan.
  8. Takot akong magkamali ng spelling. Pinangangalagaan ko pa rin hanggang ngayon ang titulong “Speller of the Year” nung ako ay nasa portdyir hayskul! (hakhak)
  9. Naniniwala akong isa ang misspell sa pinakamahirap na i-ispell. May sademonyo sya.
  10. Chauffeur ang pinanalo kong salita noon laban kay Kenny ng IV-Mabini (bwahahahahaha). Pero ngayon nagdalawang isip ako kung tama ko sya inispell (hihihi).Wag kayong mag-alala. Tsuper ko na lang sya binabaybay(naks! Thanks Grade 4 Filipino teacher) ngayon.
  11. Paborito ko ang Algebra. At hindi ito simula ng pick up line.
  12. Hindi ako masyadong magaling sa Geometry. Konti lang. Hihihi!
  13. Letty ang palaway ng nanay ko. Matagal ko nang iniisip na kamukha nya yung artistang si Alicia Alonzo. May nunal nga lang.
  14. May alaga akong 2 manok dati. Mag-asawa sila. Patay na sila ngayon.
  15. Paborito kong kulay ang blue. Pero pag nakakalimutan kong blue ang paborito kong kulay, okay na rin ako sa green.
  16. Madalas, nalilimutan kong may paborito pala akong kulay.
  17. Ayoko sa mga taong palaging nagrereklamo lalo na sa pinakasimpleng bagay.
  18. Ayoko sa mga taong masyadong maingay.
  19. Ayoko sa mga taong nagtatanong tapos hindi naman pinakikinggan ang sagot.
  20. Tamad akong magtext. Mabubuhay akong walang cellphone.
  21. Hindi ko kayang sagutin ang text na 🙂
  22. Masaya ako kapag pagkatapos ng mahabang palitan ng text eh yung number 21 na ang isesend saken.
  23. Madalas nagkakatotoo ang mga panag-inip ko. Mga 3 times na sya nangyari.
  24. Joke lang yung second statement sa number 23. Totoo yung first.
  25. Bunso ako sa 4 na magkakapatid pero para raw akong panganay mag-isip.
  26. Ayoko ng taong sobrang madrama.
  27. Hindi ako nakikipagkaibigan. Ako ang nilalapitan (hihihihi, suplado! gwapo ko lang)
  28. Jennylyn Cruz ang pangalan ng unang crush ko nung Grade 5.
  29. Si Jennylyn Cruz ang unang babaeng sinulatan ko bukod sa English teacher ko nung Grade 3.
  30. Ate ni Jennylyn Cruz ang unang nagpa-alala sakin kung ga’no ako kapangit. 😦
  31. Hindi Math ang paborito kong subject nung nag-aaral pa ko.
  32. Mahalig ako sa Biology. School representative ako sa Biology Quiz Bee noong high school (yabang amputek)
  33. First time kong makasakay sa eroplano nung 15 years old ako. Umattend ako kasama ng 4 ko pang skulmeyt ng STEP bilang representatives ng NCR sa Techno Quiz at Bartending.
  34. Gumradweyt akong Best in Values nung hayskul, na isa pang panawag sa Palaging Inuutusan Award.
  35. Pinangarap ko dating maging writer. Hanggang na-realize ko na mahina ako sa English.
  36. Magaling raw akong mag-English pag nagagalit sa klase.
  37. Galit ako sa English Professor ko nung first year college, first sem. Maangas kasi sya.
  38. Galit ako sa maangas na walang ipagyayabang.
  39. Paborito ko naman yung English Prof ko nung 2nd sem.
  40. Pinakapaborito ko yung Prof ko sa sandamukal kong major subjects sa Math. Idol ko sya. Sobra.
  41. Pangarap kong sumulat ng libro tungkol sa Math.
  42. Palawan ang pinakamagandang lugar na napuntahan ko so far.
  43. Sobrang haba ng pasensya ko. Madalas, inaantay kong magets ng tao na mali sya bago ako magreak.
  44. Palaway ko inispell ang salitang palayaw sa number 13. Di ko sinasadya yon. Ngayon ko lang napansin.
  45. Puti ang kulay ng suot kong T-shirt ngayon.
  46. Magaling akong magpanggap na interesado kahit sobra nakong bored.
  47. Number 47 palang eh wala nakong maisip.
  48. Balak kong dayain na lang yung mga 39 sa natitirang 52 items.
  49. Hindi mabenta ang jokes ko sa mga 2nd year pero mabenta ako sa 4th year.
  50. Huwarang bata ako nung Grade 3. Ako lang raw ang naliligo araw-araw sa klase.
  51. Joke lang ulit yung pangalawang statement sa 50.
  52. Hinahabol ko pa rin ang buwan pag naglalakad ako ng gabi.
  53. 2 beses pa lang akong natakot sa palabas sa buong buhay ko. Una yung IT ni Stephen King tsaka yung isang episode ng Wansapanataym noon na nandon si Angel Aquino.
  54. May alaga kaming pusa. Miming ang pangalan nya. Halatang pinag-isipan.
  55. Asul ang kulay ng laptop ko.
  56. Ayoko sa mga estudyanteng maarte na, iresponsable pa.
  57. Caloy ang nickname ko. Hulaan mo ang tunay kong pangalan! Hihihi
  58. Bunsoy ang tawag sakin sa bahay.
  59. Pag naglalaro kami ng mga kapatid ko noon, laging namamatay ang character ko.
  60. Mahilig akong magbasa. Nagsimula sya nang hiramin (at hindi ko na isoli) ang sandamukal na kopya ng Reader’s Digest ng kapitbahay namin.
  61. Unang beses kong napalakpakan nang gumanap akong duwag na sepulturero noong Third Year ko sa version namin ng Noli Me Tangere. Proudest moment ko to date.
  62. Scriptwriter rin nga pala ako noon.
  63. Paborito ko ang Noli Me Tangere.
  64. Paborito ko rin si Pilosopo Tasyo.
  65. Minura ako ng PE Teacher ko nung pirstdyir high school dahil nakalimutan kong isoli ang visual aid nya.
  66. Bano ako sa sports, lalo na sa Basketbol.
  67. Torpe… este… Segurista ako.
  68. Motorola ang unang selpon ng pamilya namin. Grade 6 ako nang makapulot ang tatay ko.
  69. Humigit-kumulang dalawang libo na lang ang laman ng pitaka ko ngayon dahil sa dami nang pinagkagastusan.
  70. Masaya ako at number 70 na. Trenta na lang.
  71. Na-tempt akong palitan ang title ng Sebenti: Listahan ng Mga Random Facts ni Math Teacher.
  72. Paborito kong palabas ang Mga Munting Pangarap ni Romeo. (backgroud music: Kami ang itim na magkakapatid…)
  73. Patago akong naluha sa ending ng Mga Munting Pangarap ni Romeo.
  74. Madalas, mas trip kong mag-isa sa mga lakad.
  75. Paborito kong maglakad sa hapon galing sa trabaho.
  76. Paboritong kanta ko ang Collide ng Howie Day.
  77. Naiinis ako kapag sumisikat ang kantang nagugustuhan ko. Hipster ata ako.
  78. Samsung ang tatak ng cellphone ko.
  79. Magaling akong mag-gatong.
  80. Gusto kong isispin na magaling din akong mag-pacify.
  81. Dati akong member ng Debate Team. Dati lang.
  82. Hindi pa ko nanalo ng Math Quiz Bee.
  83. Dati akong champion ng Poster Making Contest at Slogan Making Contest nung Second Year. Yung una sa Science,  yung pangalawa sa Math.
  84. Nag-hoarding ako ng libro pero andami ko pang hindi nababasa.
  85. Hindi ko natupad ang pangako kong magpost dito sa blog nang madalas.
  86. Pangarap kong gumawa ng horror movie na hindi pa napapanuod ng  kahit sino.
  87. Pangarap kong baguhin ang itsura ng Pilipinas –  linisin ang mga ilog, magtanim ng maraming puno at magtayo ng mga matitinong bahay. Trip ko ring mamudmod ng konting dignidad, pagpapahalaga sa sarili at pagmamahal sa bayan.
  88. Parang dalawang infinity symbol na nakatayo ang 88.
  89. Paborito kong sabihin ang “I’m Sorry” kapag hindi ko narinig ang sinasabi nang kausap ko.
  90. Mahal ko ang Pilipinas. At mga Pilipino. Kahit madalas, hindi ko maintindihan kung bakit kakaiba mag-isip ang mga tao sa bayan natin.
  91. Galit ako sa mga racist kaya galit ako sa sarili ko. Nyehehehe. Joks lang. Di ako racist.
  92. Alam ko pa rin ang mga linya ng “All Things Bright and Beautiful” mula sa pagkakabisa noong grade 3. Tinuturo pa rin ba to?
  93. Kabisado ko pa rin ang “Last Night I Heard a Robin Singing in the Rain” mula naman nung 3rd year.
  94. Conscious ako sa pag gamit ng mga salitang “nang” at “ng”.
  95. Andami ko nang ibang planong isulat pero di ko masimulan.
  96. Paboritong moment ko nung bata pa ko pag nagigising ako sa umagang pinuputulan ng kuko ng nanay ko.
  97. Unang libro na natapos ko sa loob ng 4 oras ang ABNKKBSNPLAko ni Bob Ong noong 2nd year ako. Mula noon, naging Bobongpinoyism na ang relihiyon ko.
  98. Hindi ako nag-Kinder.
  99. Natuto akong magbasa dahil kinukurot ako sa singit ng nanay ko t’wing tinuturan nya ko pag hapon bago matulog. Madalas akong nakakatulog nang basa ang mata.
  100. Wanhandred na! Sa listahang to, sitente y singko porsyento ang walang katuturan. Pero totoo ang lahat ng yan!

****************************************************************************

Wanhandred.

Ano bang meron sa’yo?

Bakit ka naging simbolo ng perpeksyon?

Bakit sa eksam kailangang 100 pag perfect?

Bakit ang raw score tinatransmute pa sa 100?

Anong meron ka na wala si 75 o si 87?

Bakit pinagmumukhang madali ang mga bagay kapag nagbibilang ka gamit ang 100?

Anong hiwaga ang meron ka?

Lumayo Ka Nga Sa Akin

Marso 17, 2012

“Meron talagang mga basurang pelikula, kanta, libro, magazine, at kung ano-ano pa na nagpipigil sa pag-unlad ng sining sa bansa. Pero hindi lahat ng inaakala mong korni, e korni. Minsan ikaw lang din ang walang sense of humor at may diperensya. Siguro dahil sa pagpipilit mong maging iba.

-Bob Ong, Lumayo Ka Nga Sa Akin

Si Bob Ong ay si Bob Ong.

Hindi ko alam, pero hinahanay ko ang simpleng atake ng mokong na ito sa trabaho ng mga batikan nating manunulat. Pwedeng hindi nila siya singhusay pagdating sa pagtagpi-tagpi ng salita, o di kaya naman sa paglalatag ng opinyon tungkol sa mga pangunahing isyu ng bansa, pero si Bob Ong ay si Bob Ong – larawan ng takbo ng isip ng “medyo-masa” at “medyo-nag-iisip” na Pilipino. Hindi pa-impres, hindi gaanong intelektuwal, abot ng kahit sinong magkakainteres na mambabasa. Hindi na lihim na papapatawa ang puhunan nya, subalit asahan mong sa kahit saang akdang sinulat ng tinatawag kong mokong na ito ay hindi nawawala ang himig ng paghamon ng pagbabago. Praktikal ang mga ideya niya: walang drama, walang bullSh*t! Kaya hindi tulad ng iba, malaya n’yang matatapik ang kahit anong paksang naisin nya, nang walang bumabasag sa kanyang trip.

Ngayon sa libro.

Tulad mo ay napeke rin ako ng pabalat ng aklat na ito. Sa unang tingin ay aakalain mong may bago na namang natapos na love story si Zoila o Gilda Olvidado. Pero nampu… Nang matitigan kong mabuti ang sweet lovers ay napahagikgik na lang ako. Ewan ko na lang kung sinong hindi maiintriga sa aklat na ito. Gaya ng inaasahan sa kahit anong likha ni Bob Ong, dali kong binuklat ang bawat pahina at natapos itong basahin makalipas ang humigit-kumulang na 3 oras.

Sa Lumayo Ka Nga Sa Akin ay sinubukang ipakita ni Ong ang kalagayan ng pelikula at telebisyong Pilipino. Hinati ang libro sa tatlong bahagi na tila mga manuskrito ng mga genreng pinakapatok sa mga manunuod na pinoy – Love Story, Action at Horror.

Isiniwalat ni Ong ang mga elemento, eksena, at kalokohang makikita sa isang tipikal na pelikulang lokal at sa mga kasalukuyang palabas sa telebisyon. Mula sa mga istoryang paulit-ulit ang tema, mga karakter na alam mong namatay na pero muli pa ring mabubuhay sa huli, ang stereotipikal na paglalarawan ng mga goons sa pelikula, ang tradisyunal na atake sa mga karakter (special mention sa mga breakdown scenes habang nakasandal sa pader), mga sampalang umaatikabo, mga loveteam na magkapatid sa umpisa subalit hindi pala, ang batuhan ng mahahabang linya, mga sumasayaw na babae sa game show, basurang special effects, pagkahumaling sa mga reality shows at ang walang kamatayang song and dance number sa beach sa dulo ng bawat pelikula, ay nabanggit itong lahat ni Ong. Kung may naiwan pang detalye si Ong ay hindi ko na alam. Subalit sigurado ako sa isang bagay – malinaw na naipahatid ni Ong ang mensahe at intensyon n’ya sa librong ito. Maraming kailangang baguhin, malaki ang kailangang repasuhin kung mayroon tayo ni katiting na intensyon na itaas ang kalidad ng industriya ng pelikula at telebisyon sa bansa.

Gaya ng dati n’yang mga likha, wala pa ring kupas ang brilyong hatid ng payak  na mga salita kasabay ng satirikal n’yang atake. May umusbong mang ibang manunulat ng panahong ito na may katulad na pamamaraan ay hindi maikakailang balwarte pa rin ni Bob Ong ang paglikha ng mga satire. Hindi man intensyunal ay hindi maiiwasang maikumpara ang kanilang mga akda sa mga likha ni Ong, at madalas kung hindi palagi, ay nabibigo ang mga ito sa paghahambing.

Hanggang kailan nga ba ang pamamayagpag ni Ong?

Asahan na natin, hangga’t may pwede pang ayusin sa bayang ito, bayaning mananatili ang bobong pinoy!