KAMING MABABAIT (na Welcome sa Langit)

Marso 17, 2012
ngiti lang doggie, oo lang nang oo!

Minsan nakukumbinse na akong utu-uto ako.

Ewan ko ba. Madalas sinasabi ng mga tao na mabait ako. Madaling kausap. Madaling mahiraman. Madaling mahingan ng tulong. Napakadali saking maglaan ng oras, panahon, o load sa iba. Hindi raw ako madamot. Naging parte na ata ng sistema ko ang maging mapagbigay. In other words, utu-uto nga.

Recently ay muli ko na namang naangkin ang Most Matulungin Pero Utu-Uto Talaga Award na pinagkakaloob lamang sa mga piling nagpamalas ng kawalang pagkasawa sa pagpapauto sa iba (na pinanghahawakan ko na for 10 straight years, o at least simula nung maalimpungatan kong nag-iisip na pala ko na hindi naman katagalan kung tutuusin.).

(Sabay pasok si Congrats sa background: “Kongratyuleysyons! Palakpakaaaan!”)

Dahil Titser ako at dahil sosyal ang paaralang pinagtatrabahuan ko (lungga ng mga Burgis, mantakin mo, kung ayaw mong maghalimuyak suka sa umaga dulot ng mala 10-K run na lakad mula entrance ng gate ng village papuntang eskuwelahan ay magteteksi ka pa), nagdesisyon (mas akmang sabihing nagpumilit) ako na bumili ng laptop na magagamit ko sa pagtuturo. Yung nagpa-Pawerpoynt ba! Inilaan ko ang ilang bahagi ng ilang buwan kong kinita, nangutang  sa magulang (i lab yu, Mama) at sukdulang nag-solicit ako sa kapitbahay at nagbenta ng ‘di kanais-nais na laman kahit masakit sa kalooban at konsensya (syempre kasinungalingan lang ang parteng ‘to) para mabili ang pinapangarap na lapitap. Nagbunga naman ang sapilitang pagdyedyeta ng sarili. Makalipas ang ilang buwang tag-gutom ay nabili ko na nga ang matagal nang bumabagabag sa isipan ko tuwing malamig ang gabi. At dahil lumaki akong salat sa yaman, humpak ang tiyan, walang ref at hirati sa gutom, walang pagsidlan ang kagalakan at pagka-excited ko nang mahawakan ko na sya. “Lapitap, mahal na kita!” Ikaw ang unang gamit na naipundar ko.

Doon nagsimula ang matamis naming pagtitinginan Ate Charo.

Bunga na rin ng di maglahong excitement at pwede ring dahil sa kagustuhan kong mapainam ang pagtuturo ko sa klase, halos araw-araw kong bitbit si lapitap sa trabaho. Lubos syang maasahan. Lalo na sa mga pagkakataong hindi ko kabisado ang sinasabi ko sa harapan (biro lang, di ako ganyang klaseng guro) o tinatamad akong magsulat sa pisarang green pero blackboard. Filing ko gumwagwapo ako tuwing kasama ko sya. Marami kaming binuong masasayang karanasan. Pinasaya ko sya sa araw-araw kong paggamit at pinasaya nya rin ako sa araw-araw nyang pagpapagamit (maniwala ka wholesome ‘tong sinasabi ko). In short, nag gamitan kami. Parang friends with benefits. Parang mutualism sa symbiotic relationship (shepaks, talino ko). S’ya na ata ang sagot sa dalangin ko, Ate Charo. I’ve found the one!

Lumipas ang panahon at naging maligaya ang pagsasama namin. Pero tulad ng romantikong pelikula na nagwawakas rin pagsara ng tabing, nagkalamigan din kami. Mas malamig pa sa ilong pusa. Pa’no kase, nalaman kong may mga ‘di rin s’ya kayang gawin na inaasahan kong kaya n’ya. May mga limitasyong inaasahan kong magagawa n’ya. Halimbawa, hindi n’ya kayang mag-play ng video (ang totoo, kasalanan ko kasi di pa ko nag-iinstall ng player), di s’ya nare-read ng projector sa favorite class kong 4C(na kasalanan talaga ng kable, hehehe) at mabigat syang dalhin (lalo’t nag-uwi ako ng papel na tsetsekan kuno pero pinapasyal lang talaga sa bahay, from the day before). Tinigilan ko na tuloy ang pagdadala ko sa kanya. At nagkalimutan na nga kami (malaban na lang kung magpepesbuk ako o youtube).

Teka. Balik tayo sa opening statement ko. Bakit nga ba ako utu-uto? At anong kinalaman ng laptop sa kwento ko?

Ganito kase. May katrabaho ako. Sadyang sanggang-dikit naman kami kung tutuusin. Magka-area (parehong Math na pampahasa ng tak-u ang itinuturo). Nasa iisang circle ika nga. Di naman maitatangging close kami na kahit papano’y maari na ring sabihin na bilang namin ang nunal sa katawn ng bawat isa (exag na ‘to. lul. korne.). Madalas, t’wing dala ko si lapitap, ay hinihiram nya eto twing bakante ako. Syempre nga naman share your blessings ang turo nung values teacher ko nung hayskul. Kaya pinahihiram ko s’ya. Wala namang kaso saken. Wala namang hassle.

Ang kaso lang eh ganito. Nung mga panahong hindi ko na dinadala si lapitap dahil di ko na rin madalas nagagamit at dinadaing na rin ng likod ang bigat nya, eh s’ya nya namang kinakailangan. Minsan nagpaalam s’ya sa kin. Pag-uwi ko sa bahay galing trabaho eh nakatanggap ako ng text mula sa kanya.

“Hi. Gud pm. Gamitin mo ba laptop mo? Hiramin ko naman bukas, gawa lang ako quiz.”

Dahil pagsusulit ang gagawin, eh umoo ako. Syempre naman. Mabait nga ako di ba? Trabaho yan, mahirap tanggihan. Tsaka kaibigan ko yon, lalong mas mahirap tanggihan. At nung mga panahong ‘yon eh di ko naman talaga iniisip na tumanggi.

Ang di ko lang alam, hindi yon ang huling text na matatanggap ko. Umabot sa puntong araw-araw, eh dinadala ko si lapi dahil gagamitin nya sa klase. Nya, meaning di ako. Meaning nagiging taga-dala lang ako. Meaning taga-charge kapag na lowbat. Meaning, taga-salo ng sakit sa likod sa pagbitbit. Meaning taga-tago para di mawala.

Minsan umabot sa puntong gusto ko nang magwala at mag-amok. Buti na lang nakakakain ako ng almusal sa umaga. Kung nagkataong nasabayan ng gutom ‘yan eh tepok na. Tapos na si Totoy Mabait. Tapos na ang Asal Santino. Baka napabulyaw ako nang wala sa oras.

sana singlakas mo rin ako ke Bro

Well naiintindihan ko naman sya. Minsan naman mapapansin mo rin sa kilos nya ang hiya. Pero di mo pa rin maalis sakin syempre ang mag-hangad na sana eh maisip nya ring medyo hassle sakin yung ganong set up. Gwapo lang ako pero di ako buff. Mabigat ang laptop. Mahirap magbitbit lalo’t nagcocommute lamang ang hamak na ako.

Ito naman ang problema ko ngayon. Di ko masabi sa kanya yung konsern ko. Nahihiya rin ako. Ayoko namang isipin nyang nagdadamot ako. At bukod don, ako yung tipong nananalig pa rin na bawat isa sa atin eh nilalang na may angking talino at pakiramdam. Umaasa akong mauunawan nya gaya ng pagkaunawa ko na may mga bagay na hindi kailangang ipunto at ipaliwanag nang isa-isa para maintindihan mo. Dahil lang kamo hindi nagrereklamo ang isang tao eh okay lang sa kanya ang lahat. Minsan takot lang talaga tayong mawala yung mas maimportanteng bagay kaya pinipilit nating manahimik kahit alam natin na tila kalabisan na.

Haay, sana bukas makalawa eh maririnig rin ni Bro ang mga panalanging inuusal ko. Dahil kung ako ang tatanungin, di ko matatagpuan sa sarili ko ang lakas ng loob na sabihin sa kanya ang lahat ng mga himutok ko ngayon sa buhay. Not now. Not ever. (konyotiks mode ang last statement… hehehe…)

Advertisements

2 Tugon to “KAMING MABABAIT (na Welcome sa Langit)”

  1. ljsdeleon Says:

    Brader ang dami kong tawa dito! Mga nine na! Hahahaha!


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: